Sipat-suri sa Konsepto ng Meranaw Culture-Specific Items ng Epikong Darangen
DOI:
https://doi.org/10.62071/jssh.v14i1.680Keywords:
Meranaw, Culture-specific items, epikong Darangen, PagsasalinAbstract
Ang bawat wika at kultura ay natatangi. Patunay rito ang mga salita o pahayag na hindi makikita o matatagpuan sa ibang wika. Tinatawag na culture-specific items (CSI) ang mga natatanging termino o pahayag) na ito na isa sa mga suliranin ng pagsasalin. Anupa't pangunahing layunin ng papel na masipat at masuri ang konsepto ng Meranaw CSI na nakapaloob sa bahagi ng epikong Darangen. Sinikap na mailahad ang katangian ng Meranaw CSI, gayundin ang maikategorya ito ayon sa klasipikasyon ng CSI ni Peter Newmark at ang mungkahing kaparaanan ng pagsasalin nito sa Filipino. Kwalitatibong-panunuring pangnilalaman ang ginamit na kaparaanan sa pag-aanalisa ng datos. Kinuha ang datos mula sa isinaling bahagi ng epikong Darangen, partikular na ang Episod 2 ng Volyum V. Naging sandigan ng pag-aaral ang lapit-kultural nina Bassnet at Lefevere, bilang pagdulog na nagpapahalaga sa parehong linggwistikal at kultural na aspekto ng teksto. Natuklasan na mayaman sa CSI ang naturang bahagi ng epikong Darangen. Katangian ng Meranaw CSI ang pagiging halos banyaga nito sa wikang Filipino. Nauuri ito sa tatlong anyo: salita at pariralang pa-literal at salita at pariralang idyomatiko. Nahahati naman ito sa limang klasipikasyon o kategorya: materyal na kultura, organisasyong panglipunan, kaugalian at pamamaraan, Pananaw, ideya at konsepto, at pangngalang pantangi, at ekolohiya. Sa pangkalahatan, nakadepende sa klasipikasyon ng CSI ang kaparaanan ng pagsasalin. Ang paggamit ng mga teknik ay umaayon sa kahingian at pangangailangan ng CSI, Samakatuwid, may malaking papel ng klasipikasyon ng mga CSI sa pagmamanipula ng tagasalin.