Tipolohiya ng mga Teknik sa Pagsalin sa Netflix: Filipino Bilang Subtitle
DOI:
https://doi.org/10.62071/jssh.v14i1.701Keywords:
Netflix, pagsasalin, telesalin, pelikula, subtitling, PragmatiksAbstract
Pumapatungkol ang kasalukuyang pag-aaral sa isang bagong erya ng pagsasaling-wika - ang Audiovisual Translation. Isang partikular na anyo ng audioviswal na pagsasalin ang subtitling. Pangunahing layunin ng papel na ito ang kritikal na pagsusuri sa pagsasaling audioviswal partikular na sa kaso ng Filipino subtitling sa piling mga pelikula sa Netflix. Napabilang ang papel na ito sa deskriptibo-kwalitatibo na pananaliksik na may layong mailarawan ang ilang mga kaso. Kinuha ang mga pangunahing datos ng pag-aaral sa Netflix, isang subscription-based streaming service. Mayroong apat na piling pelikulang banyaga ang napili na syang sinuri bilang pangunahing materyales ng pananaliksik. Tiniyak na taglay ng mga pelikulang ito ang subtitle na nasa wikang Filipino bilang pokus ng pagsisiyasat. Naging batayan ng analisis ang tipolohiya ng mga teknik sa pagsasaling audioviswal ni Gottlieb (1992). Sa pagsusuri napag-alamang ang ekspansyon, kondensasyon, eliminasyon, taming at imitasyon ang higit na gamit sa pagsasalin ng mga piling pelikula. Lumabas rin sa analisis na ang wika, sa katunayan, ay nakabuhol sa akto ng bilang manipestasyon mismo ng kilos ng tauhan sa pelikula. Natuklasang may higit na pagkakaiba sa iilang tuntunin ang karaniwang pagsasalin at audioviswal na pagsasalin sa proseso ng paglilipat ng teksto mula sa isang wika tungo sa target na wika. Iba sa karaniwang pagsasalin na walang limitasyon sa pagprodyus ng target na teksto, may limitasyon ang subtitle. Bilang konklusyon, ang audioviswal na pagsasalin ay nagsasangkot ng napakaraming gawain tulad ng adaptasyon at maging lokalisasyon, na siyang napakahirap gawin upang makamit ang mainam at wastong audioviswal na produkto. Iniluluwal nito ang mga bagong teknik ng pagsasalin at maging mga isyu at hamong kaakibat nito.